Wednesday, September 23

PAGSUSURI SA ARAL NG SAKSI NI JEHOVAH - PART 2



PANGALAN NG DIYOS NA JEHOVAH SAAN ITO NAGMULA?


Pangkaraniwan na nating naririnig na sinasabi ng mga kaibigan nating mga SAKSI NI JEHOVA kapag sila ay kumakatok sa ating mga pintuan na ang PANGALAN ng DIYOS ay JEHOVA. Na ang pangalang ito raw ang marapat na itawag natin sa Panginoong Diyos.  Ang kanilang pangangatwiran kung ang tao daw ay may personal na pangalan ang Diyos pa kaya na lumikha sa atin ang mawalan ng pansarili Niyang pangalan?

TANONG: Ating alamin at pag-aralan, totoo nga kayang ang JEHOVA ay pangalan ng Panginoong Diyos? Madalas nilang gamitin ang talatang ito bilang kanilang pagpapatunay.

Awit 83:18 Ang Biblia, 1905
“UPANG KANILANG MAALAMAN NA IKAW LAMANG, NA ANG PANGALAN AY JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa.”

Subalit kung ating pupuntahan ang talatang iyan sa ORIHINAL na WIKANG HEBREO sa gayon din talata ay ganito ang ating makikita:

Awit 83:18
וידעו  כי  אתה  שׁמך  יהוה  לבדך  עליון  על  כל  הארץ׃
Sa Ingles:

That they may know that it is Thou alone whose name is YHWH, the Most High over all the earth.

Ang pangalan ng Diyos sa talatang iyan sa wikang Hebreo ay hindi JEHOVA, kundi ang TETRAGRAMMATON o APAT NA LETRA na: יהוה  - YHWH [Ang bawat letra ay binibigkas ng YOD-HEY-WAW-HEY mula kanan papuntang kaliwa], ito ang pangalan ng Diyos sa Kaniyang ORIHINAL na anyo wala itong mga VOWELS o PATINIG kaya HINDI ITO NABIBIGKAS.

Kaya maliwanag na hindi JEHOVA ang pangalan ng Diyos sa ORIHINAL na mga MANUSKRITONG HEBREO na siyang pinagkunan ng mga salin ng BIBLIA sa iba’t-bang wika na ating ginagamit sa kasalukuyan.

TANONG: Kaya ating tanungin ang ating mga kaibigang Saksi ni Jehova, kung hindi galing sa mga ORIHINAL na mga MANUSKRITONG HEBREO ang salitang JEHOVA, saan ito nanggaling? Sasagutin tayo ng kanilang aklat na may pamagat na;

AID TO BIBLE UNDERSTANDING, Watchtower Bible And Tract Society, 1971, pp. 884
BY COMBINING THE VOWEL signs of 'ADHO.NAY' and 'ELO.HIM' with the four consonants of the TETRAGRAMMATON the pronunciations YEHO.WAH' and YEHOWIH' WERE FORMED… The first of these provided the basis for THE LATINIZED form "JEHOVA(H)."

Sa Filipino:

SA PAMAMAGITAN NG PAGSASAMA NG MGA simbolong PATINIG ng 'ADHO.NAY' at 'ELO.HIM' sa apat na katinig ng TETRAGRAMMATON ang pagbigkas na YEHOWAH at YEHOWIH ay NABUO…Na siyang naging mga unang pinagbatayan ng ISINA-LATIN na anyong JEHOVA.”

Samakatuwid ay DINAGDAGAN ng VOWELS o PATINIG ang APAT NA KATINIG ng TETRAGRAMMATON para ito ay mabigkas, kinuha ang mga VOWELS ng salitang Adhonay o “PANGINOON”, at Elohim o “DIYOS” sa wikang Hebreo.

Ganito nila binuo iyon:

adhonay  + YHWH  = YaHoWaH or YeHoWaH

elohim     YHWH  = YeHoWiH

At sa mga anyong iyan kapuwa nanggaling ang salitang YAHWEH, at ang isina-Latin na JEHOVAH. Ang wikang LATIN ay ang salitang ginagamit noon ng IMPERYO NG ROMA.

TANONG: Sino ang nag-utos sa kanila na pakialaman ang Pangalan ng Diyos at gawing ganito?  Inutusan ba sila ng Panginoong Diyos? Ano ang sinasabi ng mga SAKSI tungkol sa salitang YAHWEH?  Bakit mas pinili nilang gamitin ang pangalang JEHOVA.? Muli tayong sasagutin ng kanilang aklat.

THE KINGDOM INTERLINEAR TRANSLATION OF THE GREEK SCRIPTURES, 1969, page 23

"While inclining to view the pronunciation "Yah.weh" AS THE MORE CORRECT WAY, we have retained the form "Jehovah" BECAUSE OF PEOPLE'S FAMILIARITY with it since the 14TH CENTURY.

Sa Filipino:

"Bagamat aming kinikilingan ang pananaw sa pagbigkas ng "Yah.weh" NA SIYANG MAS TAMANG PARAAN, aming pinanatili ang anyong “Jehova” sa dahilang ITO ANG PAMILYAR SA MGA TAO noong IKA-14 NA SIGLO.”

Sinasabi ng kanilang aklat na bagamat kanilang nalalaman na ang mas tamang pagbigkas ay ang “YAHWEH”, ay mas pinili nilang gamitin ang JEHOVA dahil sa IYON DAW ANG KILALA O PAMILYAR SA MGA TAO NOONG 14TH CENTURY.

MALIWANAG KUNG GAYON NA ANG KANILANG PINAGBATAYAN AY KUNG ANO ANG NALALAMAN NG TAO dahil sa iyon ang kilalang pangalan ng Diyos noon ng pangkaraniwang tao ay iyon na ang kanilang ginamit. Ibig sabihin kaisipan ng tao ang pinagbatayan ng WATCHTOWER SOCIETY.

Mas pinaboran nila ang hindi MAS TAMA kundi kung ano ang gusto ng mga tao.  MALIWANAG NA ANG NASUNOD AY ANG TAO

TANONG: Kapag UTOS ng TAO ang ating sinunod magkaroon kaya ng kabuluhan ang ating ginagawang paglilingkod at pagsamba sa Diyos?

Mateo 15:8-9
Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't WALANG KABULUHAN ANG PAGSAMBA NILA SA AKIN, NA NAGTUTURO NG KANILANG PINAKAARAL ANG MGA UTOS NG MGA TAO.

 Colosas 2:22
(ANG LAHAT NG MGA BAGAY NA ITO AY MANGASISIRA SA PAGGAMIT), AYON SA MGA UTOS AT MGA ARAL NG MGA TAO?

Kung ayaw nating mawalan ng kabuluhan ang ating paglilingkod sa Panginoong Diyos ang ating dapat PANIWALAAN, SAMPALATAYANAN at SUNDIN ay tanging ang BIBLIA lamang na tunay na mga salita ng Diyos.  Ito lamang ang aklat na pangrelihiyon na dapat sundin at dapat talimahin ng lahat ng tao

TANONG: Payag ba ang mga Apostol sa ginawa nilang ito? Biblia ang sasagot sa atin.

Gawa 5:29 
“Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, DAPAT MUNA KAMING MAGSITALIMA SA DIOS BAGO SA MGA TAO.”

HINDI PUMAPAYAG ANG MGA APOSTOL NA ANG ATING SINUSUNOD AY ANG GUSTO NG TAO. Kaya kahit na pamilyar sa tao ang “JEHOVA” ay hindi ito dapat ang kanilang mas pinili, sa kabila ng katotohanang alam naman nila na hindi ito ang PINAKAWASTONG PAGBIGKAS ayon sa kanila.

TANONG: Sa kabila ng KATOTOHANAN na alam nila na hindi ito ang PINAKAWASTONG PAGBIGKAS. Ano ang nakatatawag pansin at nakakatakot na sabi ng kanilang publikasyon.

THE WATCHTOWER, August 15, 1997, page 6
“HAVE YOU BEEN TAUGHT TO USE GOD'S NAME, JEHOVAH? IF NOT, YOUR SALVATION IS IN JEOPARDY, for "EVERYONE WHO CALLS ON THE NAME OF JEHOVAH WILL BE SAVED"! -- Acts 2:21; compare Joel 2:32.”

Sa Filipino:

IKAW BA AY NATURUAN NA GAMITIN ANG PANGALAN NG DIYOS NA JEHOVA? KUNG HINDI, ANG IYONG KALIGTASAN AY NASA DELIKADONG KALAGAYAN, dahil sa “ANG SINOMANG TUMATAWAG SA PANGALAN NI JEHOVA AY MALILIGTAS”! Gawa 2:21; ihambing ang Joel 2:32.”

Hindi ba nakakatakot iyan? Dahil lumalabas sa kanilang paniniwala na ang KALIGTASAN ay nakabatay sa isang PANGALAN na hindi ang PINAKAWASTONG PAGBIGKAS. HINDI IPINAGUTOS ni CRISTO ni ng mga APOSTOL. Kaya papaano tayo maliligtas sa pagtawag ng pangalang “JEHOVA”?

TANONG: Pumapayag ba ang Biblia na tayo ay magbabatay sa kaisipan, karunungan, at kaalaman ng mga tao?

1 Corinto 2:4-5 
“At ANG AKING PANANALITA AT ANG AKING PANGANGARAL AY HINDI SA MGA SALITANG PANGHIKAYAT NG KARUNUNGAN, KUNDI SA PATOTOO NG ESPIRITU AT NG KAPANGYARIHAN: UPANG ANG INYONG PANANAMPALATAYA AY HUWAG MASALIG SA KARUNUNGAN NG MGA TAO, kundi sa kapangyarihan ng Dios.”

Kaya isang napakalaking kamalian ang bagay na ginawa ng WATCHTOWER sa pagbabatay ng pangalan ng Diyos mula sa kung ano ang kaisipan o kaalaman ng mga tao noong panahong iyon. Dahil hindi natin kailanman mapagsasaligan ang karunungan ng tao. 

TANONG: Ano ba ang pagtuturing ng Biblia sa katangian ng karunungan ng tao.

1 Corinto 3:19 
SAPAGKA'T ANG KARUNUNGAN NG SANGLIBUTANG ITO AY KAMANGMANGAN SA DIOS. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan:”

Kamangmangan para sa Diyos ang karunungan ng sanglibutang ito o ng mga tao.  Hindi nga ba noong mga unang panahon ang malawak na paniniwala ng tao sa mundo ay FLAT na parang lamesa at hindi bilog?  Dahil ba ganun ang pangkaraniwang paniniwala noon at alam ng tao ay tama na iyon?   Kasi alam na alam natin na napatunayan na ng siyensiya na talagang ang mundo ay bilog at hindi lapad . Pero sa Biblia bago pa nakapaglakbay ang tao sa buong daigdig ay matalagal nang nakasulat na ang mundo ay BILOG.

Isaiah 40:22 King James Version
IT IS HE THAT SITTETH UPON THE CIRCLE OF THE EARTH, and the inhabitants thereof are as grasshoppers; that stretcheth out the heavens as a curtain, and spreadeth them out as a tent to dwell in:

Salin sa Filipino:

Isaias 40:22 
SIYA NA NAKAUPO SA KABILUGAN NG MUNDO, at ang mga nana-nahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;”

Kaya nga mali na kapag may kinalaman sa pagrerelihiyon at pananampalataya ang ating kinukuhang basehan at saligan ay ang kaalaman o karunungan ng sinomang tao.

Ang pangalang JEHOVA ay noon lamang 1931 ginamit bilang bahagi ng kanilang pangalang “MGA SAKSI NI JEHOVA”. At ito’y sa panahon na ng kanilang pangalawang naging Pangulo na si JOSEPH FRANKLIN RUTHERFORD. Kaya maliwanag na ang Pangalang JEHOVA ay hindi talaga orihinal na nanggaling sa MGA SAKSI dahil bago pa lumitaw ang kanilang samahan sa mundo ay mayroon nang pangalang JEHOVA. Kaya maliwanag na sila ay may pinagkunan ng pangalang ito.

TANONG: Saan nga ba ito galing?  Sino nga ba ang tunay na may kagagawan ng paglitaw ng pangalang JEHOVA sa mundo?
Alam ba ninyo kung kanino talaga galing ang pangalang JEHOVA?  At sino ba talaga ang unang gumamit nito?  Sasagutin tayo ng mga SAKSI, sa pamamagitan ng kanilang aklat.
Aid to Bible Understanding, Watchtower Bible And Tract Society, 1971, page 885

“The first recorded use of this form [Jehovah] dates from the THIRTEENTH CENTURY C.E. RAYMUNDUS MARTINI, A SPANISH MONK OF THE DOMINICAN ORDER, used it in his book PUGEO FIDEI of the year 1270. Hebrew scholars generally favor "YAHWEH" as the most likely pronunciation.”

Sa Filipino:

“Ang kaunaunahang naitala na paggamit ng anyong ito [Jehova] ay mula noong IKA-13 SIGLO, Panahong Cristano [C.E.]. Si RAYMUNDUS MARTINI, ISANG MONGHENG KASTILA NG DOMINICAN ORDER, ay ginamit ito sa kaniyang aklat na PUEGO FIDEI noong taong 1270.  Karaniwan sa mga Hebreong Iskolar ay pumapabor sa “YAHWEH” bilang pinakatamang pagbigkas.”

 

Maliwanag kung gayon na inaamin ng samahang Saksi ni Jehova na ang pangalang JEHOVA ay nagmula sa isang MONGHENG KASTILANG si RAYMUNDUS MARTINI mula sa DOMINICAN ORDER o isang sangay ng mga PARI sa IGLESIA KATOLIKA. Kailan nagkaroon ng salitang Jehova? Noon lamang 13th CENTURY nagkaroon ng salitang JEHOVA kaya ito ang pinakamatibay na katunayan na hindi kailanman tinawag ng mga PATRIARKA, mga  PROPETA, ng PANGINOONG JESUS at ng MGA APOSTOL, at maging ang MGA UNANG CRISTIANO ang Diyos sa pangalang ito.

Maliwanag kung gayon na MALI na tawaging JEHOVA ang Diyos dahil sa ang pangalang ito ay INIMBENTO lamang at ginawa ng tao.  HINDI ITO TUNAY NA PANGALAN NG ATING PANGINOONG DIYOS. KAYA HINDI DAPAT NATIN ITONG GAMITIN BILANG PANGTAWAG SA KANIYA.

Bagamat tinatanggap naming mga IGLESIA NI CRISTO na noong UNANG PANAHON sa panahon ng LUMANG TIPAN ay tunay na tinatawag ang Diyos sa Kaniyang ipinakilalang PANGALAN ang “YHWH”. Sa panahon natin, kung saan tayo ay nasasaklaw ng PANAHONG CRISTIANO. Ano ang dapat nating itawag sa Panginoong Diyos?

TANONG: Sino ba ang dapat nating sundin sa PANAHONG CRISTIANO na siya ring panahon natin ngayon? Ganito ang pahayag mismo ng Diyos.

Mateo 17:5 
“Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang ISANG TINIG NA MULA SA ALAPAAP, NA NAGSASABI, ITO ANG SINISINTA KONG ANAK, na siya kong kinalulugdan; SIYA ANG INYONG PAKINGGAN.”

Samakatuwid SA PANAHON NATIN NGAYON ANG SABI NG PANGINOONG DIYOS DAPAT TAYONG MAKINIG KAY CRISTO

TANONG: Kaya sa isyu na kung ano ang dapat nating itawag sa Panginoong Diyos, ano ang turo ng Panginoong Jesucristo?

Juan 20:17 
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.”

Napakaliwanag na ang UTOS NI CRISTO AY TAWAGING AMA ang DIYOS. Kung paanong ang tawag niya sa Diyos ay AMA dapat AMA rin ang itawag natin.

TANONG: Kaya nga kapag mananalangin tayo sa Diyos, ano ang pagtuturo ni Jesus?

Mateo 6:6 
“Datapuwa't ikaw, pagka ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at kung mailapat mo na ang iyong pinto, ay MANALANGIN KA SA IYONG AMA na nasa lihim, at ang iyong AMA na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.”

Kaya ang mga kaanib ng IGLESIA NI CRISTO ay tinatawag na AMA ang DIYOS lalo na sa pananalangin, bilang pagsunod namin sa utos ni Cristo.

TANONG: Ano ang  masamang ibubunga kung hindi natin susundin ang utos na ito ni Cristo?

LUKAS 6:46 
AT BAKIT TINATAWAG NINYO AKO, PANGINOON, PANGINOON, AT DI NINYO GINAGAWA ANG MGA BAGAY NA AKING SINASABI?”

Mawawalan ng karapatang tumawag kay Cristo bilang Panginoon kung hindi natin susundin ang utos niyang tawaging AMA ang Diyos.

ARGUMENTO: Pero nangangatwiran ang mga kaibigan naming SAKSI, sinasabi nila na: “Hindi ba ang ating mga AMA ay may personal o pansariling Pangalan?  Natural lamang na dapat din nating tawagin ang Diyos sa Pangalan niya.”  Kung ang tao nga ay may pangalan ang Diyos pa kaya mawalan?” Iyan ang pangkaraniwan nating naririnig na sinasabi nila, kapag sila ay ating nakakausap.

TANONG: Bakit ba kailangan nating tawaging Ama ang Diyos?

1 Juan 3:2 
“Mga minamahal, ngayon ay MGA ANAK TAYO NG DIOS, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya: sapagka't siya'y ating makikitang gaya ng kaniyang sarili.”

Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating tawaging AMA ang DIYOS ay sapagkat tayo’y kaniyang MGA ANAK. At hindi ba natural lamang na tawagin nating AMA ang nagtuturing sa atin na kaniyang ANAK.

Halimbawa ang pangalan mo ay PEDRO, at mayroon kang ANAK, ikatutuwa mo ba na ang ANAK mo ay tinatawag ka lang na PEDRO? Halimbawa lalapit sa iyo, at may hihingin, “PEDRO may kailangan ako sa iyo?”  Ano ang mararamdaman mo?  Hindi ba masasaktan ka na ganun lang ang tawag ng ANAK mo sa iyo? At ang lumalabas nun hindi mo siya ANAK at hindi ka niya itinuturing na AMA.

ARGUMENTO: Sinasabi nila hindi lang daw JEHOVA ang tawag nila sa DIYOS, kundi AMANG JEHOVA.

Balik tayo sa ating halimbawa, tinatawag ka ng anak mo na AMANG PEDRO, hindi ba parang ang lumalabas noon hindi mo siya tunay na Anak,  kapag ganun ang tawag niya sa iyo?  Pero kapag tunay mong Anak, ang itatawag sa iyo, hindi ba AMA lang, TATAY lang, PAPA lang, DADDY lang, etc.? KAYA KUNG TUNAY NA ANAK ANG TATAWAG SA DIYOS, ANG TAWAG SA KANIYA AY “AMA”, KAPAG TINATAWAG SIYA SA KANIYANG PANGALAN NG ISANG TAO, MALIWANAG KUNG GAYON NA ANG TAONG IYON AY HINDI TUNAY NA ANAK NG DIYOS.

Kaya hindi natin dapat tawagin ang DIYOS sa pangalang  “JEHOVA” na ginawa lang ng tao, ang dapat na itawag natin sa kaniya ayon sa paguturo ng PANGINOONG JESUS ay AMA, sapagkat tayo ay MGA ANAK Niya.





No comments:

Post a Comment