Wednesday, September 23

SI CRISTO BA ANG DIYOS NA BINABANGGIT SA 1 JUAN 5:20



Sa tuwing kaming mga kaanib sa IGLESIA NI CRISTO ay makakausap ng kaanib ng ibang samahan ng pananampalataya ang madalas na napag-uusapan ay nauukol sa LIKAS NA KALAGAYAN ng PANGINOONG JESUCRISTO. Sumasampalataya kasi kami na HINDI DIOS ang PANGINOONG JESUCRISTO kundi TAO sa Kaniyang LIKAS NA KALAGAYAN. Ang isa sa mga talata na ginagamit ng mga naniniwala sa pagka-Dios ni Cristo ay ang nakasulat sa I Juan 5:20. Sapagkat ang nasabing talata daw ang matibay na nagpapatunay sa pagka-Dios ng Panginoong JesuCristo.

Mas mabuti kung basahin muna natin ang nasabing talata.

1 Juan 5:20
“At nalalaman natin na naparito ang ANAK ng DIOS, at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala SIYA na totoo, at tayo’y nasa KANIYA na totoo, sa makatuwid ay sa KANIYANG ANAK NA SI JESUCRISTO. Ito ang TUNAY NA DIOS at ang buhay na walang hanggan.”

TANONG: Paano nila pinalilitaw sa talatang ito na Dios si Cristo?

Ang pangungasap daw na “ITO ANG TUNAY NA DIOS” ay tumutukoy daw kay CRISTO.  Malapit daw kasi iyong pangalan ni Cristo sa salitang “ITO" ay agad silang nagbigay ng KONKLUSYON na si Cristo ang tinutukoy ng salitang iyon.

Kaya sa pagkakataong ito ay muli nating patutunayan na MALI ANG KANILANG PAKAHULUGAN sa nasabing talata.

TANONG: Paano natin nasisigurado na mali ang kanilang sinasabi?

  • Hindi binanggit sa talata na si Cristo ang tunay na Dios. Iyon ay konklusyon lang nila.
  • Kung mapapansin ninyo ay mayroong TULDOK o PERIOD sa gitna ng pangalan ni "CRISTO" at ng salitang “ITO”.
  • Ibig sabihin hiwalay na pangungusap ang “ITO ANG TUNAY NA DIOS.”

Kung ipipilit pa rin nila na si Cristo nga talaga ang tinutukoy sa pangungusap na iyon, pagbibigyan natin sila.

TANONG: Ano ang magiging implikasyon nito sa talata at ano ang magiging malaking problema nila?

Basahin natin ulit ang nasabing talata at SA PAGKAKATAONG ITO AY LAGYAN NATIN KUNG KANINO TUMUTUKOY ANG BAWAT PANGUNGUSAP AYON SA KANILANG PAGKAKAINTINDI:

1 Juan 5:20 
“At nalalaman natin na naparito ang ANAK(Si Cristo) ng DIOS(si Cristo pa rin, Anak Niya ang sarili Niya), at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala SIYA(Si Cristo pa rin) na totoo, at tayo’y nasa KANIYA(Cristo pa rin) na totoo, sa makatuwid ay sa KANIYANG(Si Cristong kumakaniya sa sarili Niya) ANAK NA SI JESUCRISTO(Jesucristo ang pangalan ng anak ni Cristo). ITO(Si Cristo) ang TUNAY NA DIOS(Si Cristo pa rin) at ang buhay na walang hanggan.”

Napakagulo di ba? Nahilo ba kayo? Nalito ba kayo? Kung ipipilit nila na si Cristo ang tunay na Dios sa nasabing talata,

  • Lumilitaw na may anak si Cristo na naparito sa lupa dahil ang sabi sa talata, “NAPARITO ANG ANAK NG DIOS.”
  • Ibig sabihin iyong Dios na binabanggit sa talata ay may Anak.  
  • Kaya mapipilitan silang ipakilala sa atin ngayon kung sino ang Anak ni Cristo.
  • Lalabas na Anak ni Cristo ang sarili Niya. 
  • Kaya talagang napakagulo at siguradong pati sila ay malilito.

TANONG: Kung gayon, ano ba talaga ang totoong kahulugan ng nakasulat sa I Juan 5:20?

Ulitin natin ang nasabing talata at LAGYAN NATIN KUNG KANINO BA TALAGA TUMUTUKOY.

1 Juan 5:20
“At nalalaman natin na naparito ang ANAK(Si Cristo) ng DIOS(Ang Ama), at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala SIYA(Ang Ama) na totoo, at tayo’y NASA KANIYA(kay Cristo) na totoo, sa makatuwid ay sa KANIYANG(Ang Ama) ANAK(Si Cristo) na si JESUCRISTO. ITO(yung ipapakilala ni Cristo) ang TUNAY NA DIOS(Ang Ama) AT ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN(tatamuhin ng mga kumilala sa tunay na Dios).”

Ang dahilan ng pagparito ng ANAK na si JESUCRISTO ay UPANG IPAKILALA NIYA ANG TUNAY NA DIOS na walang iba kundi ang AMA at ang kaalamang iyon ay ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan. Iyon ang totoong kahulugan ng nakasulat sa I Juan 5:20.

Pero siguradong tututol sila diyan at sasabihin nila na sariling pakahulugan lang natin ang sinabi natin sa I Juan 5:20. Kaya patunayan natin.

TANONG: Ano ang katunayan na iyan nga ang tamang kahulugan ng I Juan 5:20?

Ang sumulat ng I Juan 5:20 ay si APOSTOL JUAN kaya sa sulat din niya natin kukunin ang tamang sagot.

TANONG: Totoo bang ang isa sa gawain ni Cristo ay ipakilala ang tunay na Dios?

Basahin natin sa sulat ni APOSTOL JUAN sa Juan 1:18.

Juan 1:18
"Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, SIYA ANG NAGPAKILALA SA KANYA."

Ang isa sa dahilan ng pagparito ni Cristo ay upang ipakilala ang TUNAY NA DIOS.

TANONG: Nagawa ba ni Cristo ang Kaniyang tungkulin na ipakilala ang tunay na Dios?

Basahin natin ang sagot sa sulat din ni APOSTOL JUAN sa Juan17:1 at 3.

Juan 17:1 at 3
"Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang    mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:AT ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN, NA IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIOS NA TUNAY, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.".


Si CRISTO mismo ang nagsasalita sa talata at kausap niya ang AMA. Ang sabi niya; “ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN NA IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIOS NA TUNAY.” Hindi niya sinabing “AKO ANG MAKILALA NILA NA IISANG DIOS NA TUNAY.” Ang pagpapakilala ni Cristo sa sarili niya ay ”SINUGO“ hindi siya ang tunay na Dios kundi ang Ama lang. Kaya malinaw na nagawa ni Cristo ang isa sa dahilan ng kaniyang pagparito. Naipakilala Niya ang tunay na Dios at ito ay walang iba kundi ang AMA. Kung napansin ninyo ay halos magkakamukha ang sulat ni APOSTOL JUAN sa kaniyang sulat sa I Juan 5:20 at Juan 17:1 at 3.

Sapagkat ipinakita lang sa sulat ni APOSTOL JUAN kung paano natupad ni Cristo ang isa sa Kaniyang misyon. Ang ipakilala ang TUNAY NA DIOS at ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN.

Kaya kayo ang magpasya;

  • Sino ang dapat ninyong paniwalaan?
  • Si APOSTOL JUAN mismo na sumulat ng I Juan 5:20.
  • Iyong mga taong nagbibigay ng MALING KAHULUGAN sa sinulat ni APOSTOL JUAN?

Kaya kapag binasa natin sa IBANG SALIN NG BIBLIA halimbawa ay sa CONTEMPORARY ENGLISH VERSION ang I Juan 5:20 ay ganito ang pagkakasalin:

1 John 5:20 Contemporary English Version
"We know that Jesus Christ the Son of GOD has come and has shown us the TRUE GOD. And because of Jesus, we now belong to the TRUE GOD who gives eternal life.

Sa Filipino: 

Nalalaman natin na Si Jesucristo na anak ng DIOS ay naparito at ipinakita sa atin ang TUNAY NA DIOS. At dahil kay Jesus, tayo ngayon ay nasa TUNAY NA DIOS na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Samakatuwid napatunayan natin  na HINDI SI CRISTO ang “TUNAY NA DIOS” na tinutukoy sa talata kundi ang tunay na Dios na kaniyang ipinakilala, walang iba kundi ang AMA.

Kaya kung babalikan natin ang I Juan 5:20 ay malinaw na sa atin kung sino ang “TUNAY NA DIOS” na tinutukoy sa nasabing talata.

1 Juan 5:20
“At nalalaman natin na naparito ang ANAK(Si Cristo) ng DIOS(Ang Ama), at tayo’y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala SIYA(Ang Ama) na totoo, at tayo’y NASA KANIYA(Kay Cristo) na totoo, sa makatuwid ay sa KANIYANG(Ang Ama) ANAK(Si Cristo) NA SI JESUCRISTO. ITO(iyong ipapakilala ni Cristo) ang TUNAY NA DIOS(Ang Ama) AT ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN(tatamuhin ng mga kumilala sa tunay na Dios)."

Sana ay magsilbi itong LIWANAG tungo sa TUNAY na PAGKAUNAWA.



No comments:

Post a Comment