Tuesday, September 22

PANANAMPALATAYA LAMANG?



May mga pangkatin ng relihiyon na ang kanilang ipinapakilalang paraan ng kaligtasan ay ang SUMAMPALATAYA LANG KAY CRISTO AT TANGGAPIN SIYA BILANG PANSARILING TAGAPAGLIGTAS AY SAPAT NA PARA MALIGTAS. Hindi na ayon sa kanila na kailangan ng anumang relihiyon para maligtas. Huwag na ipagkamali ng iba na mali ang magtaglay pananampalataya, bagkus ito ay kailangan ng isang tao para sa kaniyang kaligtasan, ngunit ang nililinaw natin ay ang pagtuturo ng iba na SAPAT NA ANG SUMAMPALATAYA LAMANG. Totoo kaya ito?

ILAN SA MGA RELIHIYONG ITO AY ANG MGA SUMUSUNOD:

TANONG: Sapat na bang sumampalataya lang upang maligtas? Ganito ang nakasulat sa

Santiago 2:14
“ANONG PAKIKINABANGIN, MGA KAPATID KO, KUNG SINASABI NG SINOMAN NASIYA'Y MAY PANANAMPALATAYA, NGUNI'T WALANG MGA GAWA? MAKAPAGLILIGTAS BAGA SA KANIYA ANG PANANAMPALATAYANG IYAN?”

Ang binasa natin ay isang tanong na naroon na rin ang kasagutan, ano iyong tanong ni Apostol Santiago? MAKAPAGLILIGTAS DAW BA ANG PANANAMPALATAYANG WALANG GAWA? Samakatwid kailangan ng gawa sa ating pananampalataya.

TANONG: Bakit kailangan ng GAWA sa ating pananampalataya?

Santiago 2:2
“Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at SA PAMAMAGITAN NG MGA GAWA AY NAGING SAKDAL ANG PANANAMPALATAYA;”

Sa pamamagitan ng GAWA ay NAGIGING SAKDAL ANG PANANAMPALATAYA, kailangan sabay ang gawa at pananampalataya. Hindi sinabing sumampalataya lang ay ligtas na.

TANONG: Ano pa ang kahalagahan ng may kalakip na gawa ang ating pananampalataya?

Santiago 2:24
“Nakikita ninyo na SA PAMAMAGITAN NG MGA GAWA'Y INAARING GANAP ANG TAO, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.”

Sa pamamagitan ng PANANAMPALATAYA NA MAY KALAKIP NA MGA GAWA AY INARING GANAP ANG TAO. Hindi sa pananampalataya lamang. Pinagdiinan ni Apostol Santiago na kailangan talaga ang gawa sa ating pananampalataya para maligtas ang tao. Sa pamamagitan ng gawa ay naging ganap ang ating pananampalataya.

TANONG: Ano pa ang isa sa dapat na ilakip sa pananampalataya?

Filipos 1:29
Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, HINDI LAMANG UPANG MANAMPALATAYA sa Kaniya, KUNDI UPANG MAGTIIS DIN NAMAN alangalang sa Kaniya:

Nilinaw na hindi lamang upang sumampalataya kailangan nating MAGTIIS alang-alang sa Kanya o sa Panginoong Jesus.

Ito pa ang isang patunay na KAILANGAN MAGTIIS ANG TAO.

Hebreo 10:36
“Sapagka't KAYO'Y NANGANGAILANGAN NG PAGTITIIS, UPANG kung INYONG MAGAWA ANG KALOOBAN NG DIOS, ay magsitanggap kayo ng pangako.”

Kaya ano ang ating mapapansin kailangan talaga ng tao na mamuhunan ng PAGTITIIS kasabay ng pananampalataya kapag ito ay kasabay nating ginawa ay magsisitangap tayo ng pangako. Kaya labag sa utos ng Diyos ang pagtuturo na sumampalataya lang ay ligtas na. Ito ay pinatotohanan din ng ating Panginoong Jesuscristo. Basahin natin.

Juan 8:31
“Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, KUNG KAYO'Y MAGSISIPANATILI SA AKING SALITA, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;”

TANONG: Ano katumbas sa ibang salin ng Biblia ng binanggit na pananatili sa salita ni Cristo?

Juan 8:31 Magandang Balita Biblia
“Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, KUNG PATULOY KAYONG SUSUNOD SA AKING ARAL, tunay ngang kayo'y mga alagad ko;”

Samakatuwid ang mga dapat ilakip ng tao sa kaniyang pananampalataya ay ang;
  • PAGTITIIS
  • MABUBUTING GAWA
  • PATULOY NA PAGSUNOD
Hindi ito nakakatulad ng mga itinuturo nila na pagsampalataya lang. Hindi ikaliligtas ang ganoong uri ng pananampalataya.

TANONG: Alamin natin alin ang gawa na dapat ilakip ng taong sa kaniyang pananampalataya? Ang Panginoong Jesuscisto ay may ipinaliliwanag ukol dito.

Mateo 7:21
“Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; KUNDI ANG GUMAGANAP NG KALOOBAN NG AKING AMA NA NASA LANGIT.”

Ang gawa na hinahanap sa mga sumasampalataya ay ang pagganap sa KALOOBAN NG DIYOS. Ano ang magiging kapalaran ng gumaganap sa kalooban ng Diyos? Siya ang MAY KARAPATAN NA MAKAPASOK SA KAHARIAN NG LANGIT O MALIGTAS.

TANONG: Ano ba ang kalooban ng Diyos na dapat sundin ng mga taong sumasampalataya? Ganito ang nakasulat sa;

Efeso 1:9-10
“Na IPINAKIKILALA NIYA SA ATIN ANG HIWAGA NG KANIYANG KALOOBAN, ayon sa kaniyang MINAGALING na IPINASIYA niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang TIPUNIN ANG LAHAT NG MGA BAGAY KAY CRISTO, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,”

Ang sabi; IPINAKILALA NIYA SA ATIN ANG HIWAGA NG KANIYANG KALOOBAN AYON SA KANIYANG MINAGALING AT IPINASYA NIYA. Alin itong kalooban ng Diyos? TIPUNIN ANG LAHAT NG BAGAY KAY CRISTO.

TANONG: Papaano matitipon kay Cristo ang lahat ng tao? Ganito sabi ni Apostol Pablo sa;

Roma 12:4-5
“Sapagka't kung paanong SA ISANG KATAWAN AY MAYROONG tayong MARAMING MGA SANGKAP, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain: Ay GAYON DIN TAYO, NA MARAMI, AY IISANG KATAWAN KAY CRISTO, AT MGA SANGKAP NA SAMASAMA SA ISA'T ISA.”

ANG MGA NATIPON KAY CRISTO AY SAMA-SAMANG SANGKAP NG IISANG KATAWAN. Sabi ni Apostol Pablo “IISANG KATAWAN KAY CRISTO”.

TANONG: Alin ang katawan na binabangit?  Ang IGLESIA ang katawan ayon sa:

Colosas 1:18
“At siya ang ulo ng KATAWAN, sama-katuwid baga’y ng IGLESIA…”

TANONG: Ano tawag ng mga Apostol sa KATAWAN o IGLESIA na ang PANGULO o “ULO” nito ay si Cristo? Ang Iglesiang ito ay tinatawag na IGLESIA NI CRISTO batay sa;

Roma 16:16
“Mangagbatian kayo ng banal na halik.  Binabati kayo ng lahat ng mga IGLESIA NI CRISTO.”

Samakatwid, KAILANGAN MAGING SANGKAP NG KATAWAN NI CRISTO O KAILANGAN NA MAGING KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO para ang tao ay maligtas. Ito ay GAWA na dapat ilakip sa PANANAMPALATAYA. Mali kung gayon ang sinasabi ng iba na sumampalataya lang ay ligtas na. SUNDIN ANG KALOOBAN NG DIYOS MATIPON ANG LAHAT SA KATAWAN O IGLESIA. Sabi natin kanina kailangan ng gawa at pagtitiis sa pananampalataya upang ikaligtas.

TANONG: Alin-alin ba ang dapat tiisin ng mga sumasampalataya?

Gawa 14:22
“Na PINATITIBAY ANG MGA kaluluwa ng mga ALAGAD, at inaaralan sila NA MAGSIPANATILI SA PANANAMPALATAYA, AT SA pamamagitan ng MARAMING MGA KAPIGHATIAN ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios.”

2 Tesalonica 1:4-5
“Ano pa't kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios DAHIL SA INYONG PAGTITIIS AT PANA-NAMPALATAYA SA LAHAT NG MGA PAGUUSIG SA INYO AT SA MGA KAPIGHATIANG INYONG TINITIIS;   Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; UPANG KAYO'Y ARIING KARAPATDAPAT SA KAHARIAN NG DIOS, na dahil dito'y na-ngagbabata rin naman kayo.”

Kailangan TIISIN ng mga sumasampalataya ang mga PAG UUSIG at KAPIGHATIANG NARARANASAN.
  • Kahit napakaraming pagsubok na dumarating.
  • Ang tukso sa buhay.
  • Mga suliraning minsan ay hindi na makayang dalhin.
  • Mga magulang na halos hirap at walang maibigay sa mga hiling ng mga anak.
  • Mga nagkakasakit at walang maipangpagamot.
  • Mga pag-uusig.
  • Hinahamak dahil sa pangalan ni Cristo dapat nating tiisin ang mga ito. 
Kapag napagtagumpayan natin ang lahat ng iyan ang sabi ni Apostol Pablo; UPANG KAYO'Y ARIING KARAPATDAPAT SA KAHARIAN NG DIOS. Samakatuwid hindi malulugi ang kaanib sa IGLESIA NI CRISTO magdanas man siya ng PAGTITIIS, PAG-UUSIG at KAPIGHATIAN sapagkat pagiging dapati siya na makapasok sa KAHARIAAN NG DIYOS.

TANONG: Hanggang kailan dapat magtiis ang tunay na sumasampalataya para maligtas?

Mateo 24:13 Magandang Balita Biblia
“NGUNIT ANG MANATILING TAPAT HANGGANG WAKAS AY SIYANG MALILIGTAS,”

Kapag tayo ay nagtiis hanggang wakas namamalaging nasa IGLESIA NI CRISTO, alinman ang mauna. WAKAS NG BUHAY NATIN o ARAW NG PAGHUHUKOM ay tiyak na maliligtas at makakarating sa maluwalhating tahanan na ipinangako ng Diyos. Hindi madali sa isipan ng iba ngunit ito ang ating nilulunggati na matapos natin ang ating takbuhin nasa pagsunod sa KALOOBAN NG DIYOS. Kapag inalis ng isang kaanib sa Iglesia ni Cristo ang pagtitiis at pati ang mga mabubuting gawa na dapat ilakip sa pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan ang ating pagpapagal. Kung patuloy tayo at hindi manlulupay ay maliwanag ang nakasulat sa Biblia na dapat nating panghawakan.

2 Pedro 1:10-11 Magandang Balita Biblia
“Mga kapatid yamang KAYO’Y TINAWAG at HINIRANG NG DIYOS, MAGPAKATATAG KAYO SA KALAGAYANG ITO UPANG HUWAG KAYONG MANLUPAYPAY.  sa ganitong paraan, KAYO’Y MALUWAG NA PAPAPASUKIN SA WALANG HANGGANG KAHARIAN NG ATING PANGINOON AT TAGAPAGLIGTAS NA SI JESU-CRISTO.” 

No comments:

Post a Comment