Tuesday, September 22

SINO ANG NAGBAWAL NG PAGKAIN NG DUGO?



Ang Iglesia Ni Cristo ay lubusang sumusunod sa mga utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Kahit sa pagbabawal ng Diyos sa pagkain ng dugo ay lubusan itong sinusunod ng mga kaanib sa Iglesia, ito ang tinutuligsa ng mga hindi kaanib sa Iglesia Ni Cristo. 

ARGUMENTO: Sinasabi nila na ang pagbabawal ng pagkain ng dugo ay imbentong aral lang ng mga Ministro sa loob ng Iglesia Ni Cristo.

Ngayon ay ating pag-aralan kung;
  •  SINO TALAGA ANG NAGBABAWAL SA PAGKAIN NG DUGO?
  • KAILAN BA ITO IPINAGBAWAL?
  • ANO ANG DAHILAN KUNG BAKIT ITO IBINAWAL?
Isa-isahin nating sagutin ang mga tanong sa ating pag aaral ngayon. Inyong basahing mabuti at makatulong nawa ito sa mga nagsusuri.

TANONG: Sino ba ang nagbawal ng pagkain ng dugo? Dito tayo magpasimulang bumasa sa;

Genesis 9:1-4  
“At binasbasan ng DIOS si NOE AT ANG KANIYANG MGA ANAK, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami at inyong kalatan ang lupa. AT ANG TAKOT SA INYO AT SINDAK SA INYO AY MAPAPASA BAWA'T HAYOP SA LUPA, AT SA BAWA'T IBON SA HIMPAPAWID; LAHAT NG UMUUSAD SA LUPA, AT LAHAT NG ISDA SA DAGAT, AY IBINIBIGAY SA INYONG KAMAY. BAWA'T GUMAGALAW NA NABUBUHAY AY MAGIGING PAGKAIN NINYO; GAYA NG MGA SARIWANG PANANIM NA LAHAT AY IBINIBIGAY KO SA INYO. NGUNI'T ANG LAMANG MAY BUHAY, NA SIYA NIYANG DUGO, AY HUWAG NINYONG KAKANIN.’’

Ang tanong natin ay sino ang nagbabawal ng pagkain ng dugo? Maliwanag ang ating nabasa ang Panginoong Diyos. Kailan pa ipinagbawal ang pagkain ng Dugo? Sa panahon ng binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang sambahayan. Ano ang pagkaing ibinigay ng Diyos sa kanila? Ang sabi “AT ANG TAKOT SA INYO AT SINDAK SA INYO AY MAPAPASA BAWA'T HAYOP SA LUPA, AT SA BAWA'T IBON SA HIMPAPAWID; LAHAT NG UMUUSAD SA LUPA, AT LAHAT NG ISDA SA DAGAT, AY IBINIBIGAY SA INYONG KAMAY. BAWA'T GUMAGALAW NA NABUBUHAY AY MAGIGING PAGKAIN NINYO; GAYA NG MGA SARIWANG PANANIM NA LAHAT AY IBINIBIGAY KO SA INYO.” Maliwanag kung ano ang pagkaing ibinigay ng Diyos, ngunit ano lang ang Kanyang ipinagbawal na kainin ng mga tao? Ang sabi sa talata, “ANG LAMANG MAY BUHAY, NA SIYA NIYANG DUGO AY HUWAG NINYONG KAKANIN” letra por letra sinabi at ipinagbawal ng Diyos na kainin ng mga tao ang dugo, na ang Kanyang sinabihan ay ang lahat ng mga tao. 

TANONG: Ano ang pagtuturing ng Diyos sa mga taong kumakain ng dugo? Ganito ang nakasulat sa:

Levitico 17:10-11 
“At SINOMANG TAO sa sangbahayan ni Israel o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, NA KUMAIN NG ANOMANG DUGO, AY AKING ITITITIG ANG AKING MUKHA LABAN SA TAONG YAON NA KUMAIN NG DUGO, AT IHIHIWALAY KO SA KANIYANG BAYAN. Sapagka't ANG BUHAY NG LAMAN AY NASA DUGO; at AKING IBINIGAY SA INYO SA IBABAW NG DAMBANA UPANG ITUBOS SA INYONG MGA KALULUWA: SAPAGKA'T ANG DUGO'Y SIYANG TUMUTUBOS DAHIL SA BUHAY.”

Napakalaking kasalanan sa Diyos ang pagkain ng dugo. Ang sabi mismo ng Diyos?:“AKING ITITITIG ANG AKING MUKHA LABAN SA TAONG YAON NA KUMAIN NG DUGO, AT IHIHIWALAY KO SA KANIYANG BAYAN”. Maliwanag na magiging kaaway ng Diyos ang tao, at ihihiwalay siya o ititiwalag siya sa kaniyang bayan, sa bayan ng Diyos.  Kaya nga natitiwalag sa Iglesia ang sinomang kumain ng dugo.

Niliwanag din ng Diyos na ang kaukulan ng dugo ay “PANTUBOS NG BUHAY”, hindi nga ba totoo na ang isang taong naubusan ng dugo dahil sa panganganak o aksidente, ay naililigtas sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo sa kaniya? At higit sa lahat ito’y pantubos sa kaluluwa, na ang ibig sabihin ay maaari tayong matubos ng dugo sa ating mga pagkakasala sa Diyos, at iyon nga ay  sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo:

Hebreo 9:13-14 
“Sapagka't kung ang dugo ng mga kambing at ng mga baka, at ang abo ng dumalagang baka na ibinubudbod sa mga nadungisan, ay makapagiging banal sa ikalilinis ng laman:   Gaano pa kaya ANG DUGO NI CRISTO, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, AY MAGLILINIS NG INYONG BUDHI SA MGA GAWANG PATAY UPANG MAGSIPAGLINGKOD SA DIOS na buhay?”

Kaya marapat na ating igalang at pahalagahan ang dugo sa pamamagitan ng hindi pagkain nito. Sundin natin ang pagbabawal na ito ng Diyos. Napakalinaw at banal ang Kaniyang dahilan kung bakit hindi Niya ito ipinakakain sa atin. At tinitiyak ng Biblia na hindi maliligtas ang mga taong kumakain ng dugo. Kaya patuloy pa ba kayo sa pagkain ng dugo o dinuguan? Matapos ninyong malaman na bawal itong kainin ay dapat na ninyo itong iwan o huwag ng kumain pa.

ARGUMENTO: Ngunit iminamatuwid ng iba na hindi naman purong dugo ang kanilang kinakain, bagkus ay may halong dugo lang na ang tawag nga nila ay dinuguan.

TANONG: Pinapayagan na bang kumain ng laman o karne na may halong dugo o dinuguan? Ito ang nakasulat sa;   

Deuteronomio 12:22-23   
“Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon. Lamang ay PAGTIBAYIN MONG HINDI MO KAKANIN ANG DUGOSAPAGKA'T ANG DUGO AY SIYANG BUHAY; at HUWAG MONG KAKANIN ANG BUHAY NA KASAMA NG LAMAN.”

Maliwanag ang sinabi ng Diyos na: “SAPAGKA'T ANG DUGO AY SIYANG BUHAY; AT HUWAG MONG KAKANIN ANG BUHAY NA KASAMA NG LAMAN”.  Sa madaling salita, huwag kumain ng laman at dugo na magkasama.  Hindi ba sangkap ng dinuguan ay dugo at laman? Kaya maliwanag na bawal ang dinuguan, o alinmang pagkaing  sinangkapan o nilagyan ng dugo. Kahit sabihin pa ng mga pilosopo na masarap pag may puto.

TANONG: Paano kung nais nating kumain ng karne. Ano ba ang dapat nating gawin?  Ano ang ipinag-uutos kung tayo ay magkakatay ng hayop upang kainin? Basahin natin ang nakasulat sa;

Levitico 17:13  
“At SINOMANG TAO sa mga anak ni Israel, o sa mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila NA MANGHULI NG HAYOP O NG IBON NA MAKAKAIN; AY IBUBUHOS NIYA ANG DUGO NIYAON AT TATABUNAN NG LUPA.”

Maliwanag ang utos na dapat ibubuhos o patutuluin ang dugo at tatabunan ng lupa. Hindi sasahurin at tatabunan ng bigas. Samadaling salita itatapon ang dugo ng anomang hayop na ating kakatayin upang kainin.

TANONG: Paano kung dumanas ng tag-gutom at walang makain, baka maawa ang Diyos at payagan na niyang kumain ang tao ng dugo? Basahin natin ang naging pangyayari noon sa bayang Israel na nakasulat sa ;

1 Samuel 14:32-33
“At ANG BAYAN AY DUMALUHONG SA SAMSAM, AT KUMUHA NG MGA TUPA, AT MGA BAKA, AT MGA GUYANG BAKA, AT MGA PINATAY SA LUPA: AT KINAIN NG BAYAN PATI NG DUGO. Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ANG BAYAN AY NAGKAKASALA LABAN SA PANGINOON, SA KANILANG PAGKAIN NG DUGO. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.”

Kinain noon ng bayang Israel pati ang dugo noong panahon na sila’y dumaluhong sa samsam  o nakaranas ng matinding tag-gutom. At ang sabi nga ni Haring Saul, ang hari noon ng Israel: “NARITO, ANG BAYAN AY NAGKAKASALA LABAN SA PANGINOON, SA KANILANG PAGKAIN NG DUGO.” Maliwanag na kahit pa kapusin sa pagkain ang isang bayan, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat at kailanman magtangka na ito ay kainin. 

TANONG: Paano nalutas ni Haring Saul ang suliraning ito? Narito ang kaniyang ginawa:

 1 Samuel 14:34  
“At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at HUWAG NANG MAGKASALA LABAN SA PANGINOON SA PAGKAIN NG DUGO. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.”

Ipinadala ni Haring Saul sa kaniyang harapan ang lahat ng hayop na papatayin upang kaniyang matiyak na hindi na magkakasala ang bayan laban sa Panginoong Diyos dahil sa kanilang pagkain ng dugo na mahigpit Niyang ipinagbabawal.

TANONG: Ang kabawalan ba sa pagkain ng Dugo ay sa panahon lang ng lumang tipan o mga unang lingkod ng Diyos? Namamalagi ba ang kabawalang ito hanggang sa panahong Cristiano? Biblia ang pasagutin natin sa aklat ng mga Gawa;

Acts 15:28-29 [Good News Bible]
THE HOLY SPIRIT AND WE HAVE AGREED NOT TO PUT ANY OTHER BURDEN ON YOU BESIDES THESE NECESSARY RULES: Eat no food that has been offered to idols; EAT NO BLOOD; eat no animal that has been strangled; and keep yourselves from sexual immorality. YOU WILL DO WELL IF YOU TAKE CARE NOT TO DO THESE THINGS. With our best wishes."

Sa Filipino:

Mga Gawa 15:28-29
ANG ESPIRITU SANTO AT KAMI AY NAGKASUNDO NA HUWAG NA KAYONG ATANGAN NG MABIBIGAT NA PASANIN MALIBAN SA MGA TUNTUNING ITO NA TALAGANG KAILANGAN:  Huwag kayong kakain ng mga pagkaing inihandog sa mga diosdiosan; HUWAG KAYONG KAKAIN NG DUGO; huwag kayong kakain ng hayop na namatay sa pagkabigti; at umiwas kayo sa mga imoralidad na seksual. MAPAPABUTI KAYO KUNG IIWASAN NINYONG GAWIN ANG MGA BAGAY NA ITO. Lubos ang aming pagbati.”

Maliwanag na ipinahayag ng mga Apostol na minagaling ng Espiritu Santo ang kautusang ito, samakatuwid ito ay kautusang mula sa Espiritu Santo, mahigpit na pinagbawalan noon ang mga Gentil na nais umanib sa Iglesia na huwag kumain ng mga pagkaing inihain sa mga Diosdiosan [Mga pagkaing inihahanda sa Fiesta – na inihahanda para sa kaarawan ng mga larawan at mga rebulto], NG DUGO, at hayop na binigti [Iyong mga hayop na namatay sa pagkalunod, o mga namatay na hindi lumabas ang dugo – gaya ng “botcha”], at huwag makikiapid. Kaya maging sa panahon natin ngayon ay ipinagbabawal pa din ang pagkain ng dugo.

Kaya napakalinaw na maging sa panahon natin ngayon ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain ng dugo, kaya dapat na umiwas ang lahat ng tao sa panahon natin sa ganitong mga gawain, hindi ito pinahihintulutan ng Diyos. 

TANONG: Pagkatapos malaman ng tao ang katotohanang ito na bawal ng Diyos ang pagkain ng dugo at ginawa pa rin niya ito, ano ang tinitiyak na sasapitin niya. Ganito ang nakasulat sa

Hebreo 10:26-27  
“Sapagka't KUNG ATING SINASADYA ANG PAGKAKASALA pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay WALA NANG HAING NATITIRA PA TUNGKOL SA MGA KASALANAN,  Kundi ISANG KAKILAKILABOT NA PAGHIHINTAY SA PAGHUHUKOM, AT ISANG KABANGISAN NG APOY NA LALAMON SA MGA KAAWAY.”

Ang sabi “wala nang haing natitira pa tungkol sa ma kasalanan” Hindi na mapapatawad ng Diyos kung magpapatuloy pa sa pagkain ng dugo kung sa kabila ng katotohanang nalaman natin na ito ay kaniyang mahigpit na ipinagbabawal, ang ganitong pagkakasala ay tinatawag na: kasalanang sinasadya, ang gumagawa ng pananadya ay ituturing na niyang kaaway, at ang tangi na lamang nating hinihintay ay ang kabangisan ng apoy na siyang parusang Kaniyang ibibigay sa Araw ng Paghuhukom sa mga taong lumabag sa kaniyang mga utos. Kaya huwag na tayong kakain ng dugo magmula ngayon na inyong nabasa ang katotohanang ito.

Dagdagan pa natin ang paliwanag, hindi ba sinabi ng mga Apostol na: “Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin” na ang ibig sabihin ay: ang kautusang ito ay kautusan ng Espiritu Santo.

TANONG: Gaano ba kabigat kapag ating nilabag ang utos ng Espiritu Santo?

Mateo 12:31  
“Kaya't SINASABI KO SA INYO, Ang bawa't kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwa't ANG KAPUSUNGANG LABAN SA ESPIRITU AY HINDI IPATATAWAD.”

Walang kapatawaran sa harap ng Diyos ang paglabag sa utos ng Espiritu Santo kaya kahit na ano ang mangyari, mula ngayon ay huwag na huwag na kayong kakain ng dugo matapos na ating malaman ang katotohanang bawal ito ng Diyos. Dahil kayang patawarin ng Diyos ang lahat ng ating kasalanan, maliban sa pagkain ng dugo.

Nagagawa nating sumunod sa tao, hindi ba? Kapag sinabi sa atin ng isang Doktor na huwag tayong kumain ng bawal sa atin dahil makakasama sa ating kalusugan ay agad nating sinusunod sa takot nating mapasama ang ating katawan.  Lalong dapat nating sundin ang pagbabawal na ito ng Diyos, dahil ang paglabag dito ay magdudulot sa atin ng lalong higit na kapahamakan, at ito’y ang kaparusahang walang hanggan sa apoy, pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

No comments:

Post a Comment