Monday, September 21

BINYAG: ARAL BA NG BIBLIA?





Karaniwang pinabibinyagan ng mga KATOLIKO ang mga bagong silang na mga bata upang diumano ay maging Cristiano.  Sa paraang kinagawian ng IGLESIA KATOLIKA, dinadala ng mga magulang ang kanilang anak sa simbahan, kasama ang mga piniling ninong at ninang upang isagawa ang pagbibinyag sa bata sa pangangasiwa ng pari.

TANONG: Kung sasangguniin ang Banal na Kasulatan, marapat bang binyagan o bautismuhan ang mga bata o sanggol?  Sino ba ang dapat tumanggap ng bautismo ayon sa Panginoong Jesucristo? Ganito ang Kaniyang sinasabi:

Marcos 16:15-16
“At sinabi niya sa kanila, MAGSIYAON KAYO SA BUONG SANGLIBUTAN, AT INYONG IPANGARAL ANG EVANGELIO SA LAHAT NG KINAPAL. ANG SUMASAMPALATAYA AT MABAUTISMUHAN AY MALILIGTAS; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan."

Bago tanggapin ng isang tao ang tunay na bautismo ay kinakailangan muna siyang mapangaralan ng mga salita ng Diyos.  Dapat ding matiyak na ang napangaralan ay sumasampalataya. Ang sanggol ba ay mapapangaralan? Oo. Ito ba ay makasasampalataya?  Hindi. 

TANONG: Matangi rito, ano pa ang kinakailangang matiyak ng babautismuhan?

Gawa 2:38
“At sinabi sa kanila ni Pedro, MANGAGSISI KAYO, AT MANGAGBAUTISMO ANG BAWA'T ISA SA INYO SA PANGALAN NI JESUCRISTO SA IKAPAGPAPATAWAD NG INYONG MGA KASALANAN; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.”

Dapat munang matiyak ng babautismuhan na siya ay nakapagsisi sa kaniyang mga kasalanan. Makakapagsisi ba ang sanggol?  Hindi. Bakit? Sapagkat wala itong muwang at walang nalalabag na kautusan.  Bakit?  Sapagkat ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan. Ganito ang nakasulat sa;

I Juan 3:4
“Ang SINOMANG GUMAGAWA NG KASALANAN AY SUMASALANGSANG DIN NAMAN SA KAUTUSAN: at ANG KASALANAN AY ANG PAGSALANGSANG SA KAUTUSAN.”

Kung gayon kailangan ang tatanggap ng tunay na bautismo ay magsisi muna sa kanyang mga nagawang kasalanan?

TANONG: Ano ang dapat na maging uri ng taong tatanggap ng tunay na bautismo?

Roma 6:4
TAYO NGA'Y NANGALIBING NA KALAKIP NIYA SA PAMAMAGITAN NG BAUTISMO SA KAMATAYAN: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay GAYON DIN NAMAN TAYO'Y MAKALALAKAD SA PANIBAGONG BUHAY.”

Ayon kay Apostol Pablo mabuhay sa isang bagong pamumuhay. Ang lahat ng ito ay dapat tuparin ng tatanggap ng tunay na bautismo. 

Dahil dito, hindi marapat na bautismuhan o ‘binyagan’ ang mga sanggol sapagkat hindi pa nila kayang gawin ang mga ito.  Hindi pa maaaring pangaralan ng mga salita ng Diyos ang isang sanggol sapagkat hindi pa ito makauunawa.  Wala pa itong muwang at walang nagagawang paglabag sa mg utos ng Diyos kaya wala itong pagsisisihan.  Kaya ang bata ay hindi dapat bautismuhan o ‘BINYAGAN’.

TANONG: Bakit nagbabautismo ng sanggol ang Iglesia katolika?  Bayaan nating ang sumagot ay ang mga paring Katoliko sa pamamagitan ng mga aklat na kanilang sinulat.  Ganito ang ating mababasa sa isang aklat na may pamagat na;

PANANAMPALATAYA NG ATING MGA NINUNO: sinulat ni James Cardinal Gibbons, na isinalin sa wikang Tagalog ni Rufino Alejandro, sa pahina 266

“Ang mga Gawa ng mga Apostoles at ang mga sulat ni San Pablo, bagaman naglalaman ng bahabahaging ulat ukol sa pagmiministro ng mga Apostoles, ay maliwanag na nagpapahiwatig na ANG MGA APOSTOLES AY NAGBINYAG NG MGA BATA GAYA RIN NAMAN NG MGA MATANDA.  Sinasabi sa atin, halimbawa, na SI LYDIA AY BININYAGAN AT ANG KANYANG BOONG SAMBAHAYAN, NI SAN PABLO; AT ANG BANTAY-BILANGGUAN AY BININYAGAN AT ANG BOO NIYANG ANGKAN.”

Bakit daw nagbabautismo ng sanggol ang Iglesia Katolika? Sapagkat ang mga Apostoles daw ay nagbinyag ng mga bata. 

TANONG: Nakatitiyak ba ang mga pari na may mga bata o sanggol ng bininyagan ang mga Apostol?  Ituloy natin ang pagbasa sa gayon ding aklat at nasabing pahina ay ganito naman ang ating mababasa;

PANANAMPALATAYA NG ATING MGA NINUNO: sinulat ni James Cardinal Gibbons, na isinalin sa wikang Tagalog ni Rufino Alejandro, sa pahina 266

BAGAMAN HINDI TIYAKANG TINUTUKOY NA MAY MGA BATA SA MGA ANGKANG YAON NA BININYAGAN, MATIBAY ANG MAPAGSASALIGANG HINUHA SA PAGPAPALAGAY NA MAYROON.”

Nakatitiyak ba sila na may mga bata o sanggol ng bininyagan ang mga Apostol?  ?  Malinaw ang kanilang sagot na “HINDI TIYAKANG TINUTUKOY NA MAY MGA BATA SA MGA ANGKANG YAON NA BININYAGAN, MATIBAY ANG MAPAGSASALIGANG HINUHA O PAGPAPALAGAY NA MAYROON”. Saan nakasalig ang kanilang isinasagawang pagbabautismo ng sanggol? Sa hinuha o palagay.  Samakatuwid, hindi sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Bibliya. 

TANONG: Pumapayag ba ng Diyos na ang aral o doctrina na ating sinusunod ay nakasalig sa haka? Ganito ang sinasabi sa;

Roma 12:16
“Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. HUWAG KAYONG MGA PANTAS SA INYONG SARILING MGA HAKA.”

Maliwanag na hindi dapat magpakapantas sa sariling haka.  Bawal ito ng Panginoong Diyos.

TANONG: Suriin natin natin ang nilalaman ng talata na kanilang pinagbabatayan na diumano’y may mga bata o sanggol na bininyagan sa sambahayan ng bantay-bilangguan.  Mayroon nga kaya?  Alamin natin sa Gawa 16:30-34, ganito ang nakasulat:

 Gawa 16:30-34
“At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?  At kanilang sinabi, MANAMPALATAYA KA SA PANGINOONG JESUS, AT MALILIGTAS KA, IKAW AT ANG IYONG SANGBAHAYAN.  AT SA KANIYA'Y SINALITA NILA ANG SALITA NG PANGINOON, PATI SA LAHAT NG NANGASA KANIYANG BAHAY.  At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y BINAUTISMUHAN, SIYA AT ANG BUONG SANGBAHAYAN NIYA.  At sila'y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.”

Mayroon nga bang binanggit na bata o kaya’y sanggol sa binautismuhan sa sangbahayan ng bantay-bilangguan?  Wala.  Ano ang sinabi ni Apostol Pablo at ni Silas sa bantay-bilangguan at sa sambahayan niya? “MANAMPALATAYA KA SA PANGINOONG JESUS.”  Samakatuwid, ang binautismuhan na sambahayan ng bantay-bilangguan ay nagsisampalataya sa Diyos at sa ating Panginoong Jesus. 

TANONG: Papaano ba nagkakaroon ng pananampalataya ang tao ayon sa Banal na Kasulatan? Ganito ang nakasulat:

Roma 10:17
“Kaya nga ANG PANINIWALA'Y NANGGAGALING SA PAKIKINIG, AT ANG PAKIKINIG AY SA PAMAMAGITAN NG SALITA NI CRISTO.”

Maliwanag ang ating nabasa, ang paniniwala o pananampalataya ay nanggagaling o nagmumula sa pakikinig ng salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia.

TANONG: Dapat bang bautismuhan ang sanggol kung ang susundin ay ang aral katoliko?  Ganito ang mababasa natin sa;

PASYONG GENESIS; na sinulat ni Pari Mariano Pilapil sa pahina 183

“Magmula sa Herusalem, lahat ay inyong libutin, at turuan ng magaling, ang taong nagugupiling, nang ang sala’y di mahimbing.  ANG SINOMA’T ALING TAO, ARALAN AT BINYAGAN NINYO.  Ang tumanggap ng bautismo, at maniwalang totoo, aking magiging katoto.”

Ganito ba ang ginagawa sa mga sanggol bago sila binyagan?  Tiyak na ang sagot natin ay hindi.  Sipiin naman natin ang Pasyon na sinulat ni Pari Aniceto dela Merced, sa pahina 194 na lalong kilala sa tawag na pasyong Candaba, ganito ang nakasulat:

PASYONG CANDABA; Fr. Aniceto Dela Merced sa pahina 194

“Hayo nga’t inyong calatan, ang boong calupaan, ang Evangelio’y iaral, sa boong sangcatauohan, walang tauong malilisan. ANG MANIWALA’T TUMANGGAP SA EVANGELIONG PAHAYAG, AY BINYAGAN NINYO AGAD, sa ngalan ng Ama, Anac, at Espiritu Santong uagas.”

Maliwanag ang pagtuturo ng dalawng paring Katoliko na sumulat ng Pasyon na kailangang aralan muna ang tao bago binyagan.  Kaya hindi naaayon sa aral at turo ng kanilang mga pari at lalo na ng Banal na kasulatan ang pagbibinyag ng bata o sanggol.

TANONG: Pag-aralan naman natin ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia Katolika noong unang panahon at sa paraang isinasagawa ngayon, pareho ba ng paraan?  Ayon sa isang aklat ng Iglesia katolika ay ganito ang nakasulat sa:

COMPEDIO HISTORICO DE LA RELIGION, sinulat at hinusay na parang tanungan ng wikang Kastila ni D. Josef Pinton sa Espanya, at tinagalog ni D. Antonio Florentino Puansen sa pahina 593-594

"T. Paano ang ugaling pagbinyag niyong unang panahon?

S. MACAITLONG INILULUBUG SA TUBIG ang catecumeno, at sinasambit nang Saserdote ang ngalang nang isang Persona nang Santisima Trinidad sa baling isang paglulubug, at ITO ANG PAGBINYAG NA PINANGANGANLANG BAUTISMO POR IMMERSIYON."

Paano ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia katolika noong unang panahon?  Makaitlong inilulubog ang binabautismuahan. 
 
TANONG: Papaano naman ang paraan ng pagbibinyag ni Juan Bautista ayon na rin sa paring katoliko? Ganito ang ating mababasa:

PASYONG CANDABA; ni Aniceto Dela Merced, pahina 65

ANG PAGBIBINYAG NI SAN JUAN AY ISISISID NA MINSAN ANG BOONG-BOONG CATAUAN DOON SA ILOG NANG JORDAN PARANG PINALILIGUAN.”

Maliwanag sa Pasyong Candaba na si Juan Bautista nang magbautismo ay minsan inilulubog sa tubig ang binabautismuhan sa ilog ng Jordan.

TANONG: Papaano naman ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia katolika ngayon?  Tatlong beses pa bang inilulubog ang binabautismuhan?  At lubog pa ba ang paraan?  Sa aklat katoliko na may pamagat na;

ANG PANANAMPALATAYA NG ATING MGA NINUNO, ni Rufino Alejandro, sa pahina 247

“Sa loob ng ilang siglo pagkatapos ng pagkatatag ng Cristianismo, ang Bautismo ay karaniwang iginagawad sa pamamagitan ng lubog; ngunit MULA NG IKALABINGDALAWANG SIGLO ANG KAUGALIANG PAGBIBINYAG SA PAMAMAGITAN NG BUHOS AY NAMAYANI SA LOOB NG IGLESIA KATOLIKA.  Yayamang ANG PARAANG ITO AY WALANG GASINONG SAGABAL NA DI GAYA NG BAUTISMO SA PAMAMAGITAN NG LUBOG.”

Nanatili ba ang paraan nilang lubog?  Hindi.  Paano nila isinagawa ang bautismo?  Ang dating lubog ay ginawang buhos na lamang.  Ano ang dahilan ng kanilang pagbabagong ito ng paraan ?  Wala raw gasinong sagabal.  Nagsimula sila sa paraang tatlong beses na inilulubog ang binabautismuhan, ngunit nawala ang paglulubog at napalitan ng buhos na lamang.

TANONG: Ano naman ang pagtatapat ng isang pari na kaanib sa tinatawag na “Paulist Fathers” ukol sa pagbibinyag ng mga sanggol sa Iglesia Katolika?

THE QUESTION BOX; Rev. Bertrand Conway,  pahina 243

 Salin sa Pilipino:

“WALANG TIYAK NA BANGGIT UKOL SA PAGBIBINYAG NG SANGGOL SA BAGONG TIPAN.”

TANONG: Inaamin ba ng mga pari na wala ngang pagtuturo mula sa Bibliya na ang mga bata o sanggol ay dapat bautismuhan?  Oo, sa pamamagitan ng kanilang aklat na kanilang sinulat.  Kung gayon, sino ang nagpasimulang magturo na ang mga sanggol ay dapat binyagan sa Iglesia Katolika?  Dito rin sa aklat na;

THE QUESTION BOX; Rev. Bertrand Conway,  pahina 243-244

Salin sa Pilipino:

SI SAN CIPRIANO AT ANG MGA OBISPO NG IKATLONG KONSILYO SA KARTAGO (253) AY NAGTURO NA ANG MGA SANGGOL AY DAPAT BAUTISMUHAN SA LALONG MADALING PANAHON MATAPOS MAIPANGANAK.  Ang pagbabautismo sa kanila ay hindi dapat ipagpaliban hanggang sa ikawalong araw, gaya ng ginagawa ng iba.  ANG KONSILYO NG MILEVIS (416) AY ITINURO ANG PANGANGAILANGAN NG BAUTISMO NG SANGGOL, AT ANG DOKTRINANG ITO AY INULIT SA MGA KONSILYO NA LUTERANO, VIENNE, FLORENCIA AT TRENTO.”

Maliwanag na kay Cipriano at sa mga Konsilyo ng Iglesia Katolika nagmula ang doktrinang pagbabautismo ng mga sanggol.  Kung gayon,  hindi lamang nasasalig sa haka at palagay ang pagbabautismo ng mga sanggol kundi batay sa utos at aral ng mga tao. 

May halaga ba sa Diyos ang alinmang paglilingkod at pagsamba na nakasalig sa utos at sa aral ng tao?  Ganito ang nakasulat sa:

Mateo 15:9
“Datapuwa't WALANG KABULUHAN ANG PAGSAMBA NILA SA AKIN, NA NAGTUTURO NG KANILANG PINAKAARAL ANG MGA UTOS NG MGA TAO.”

Wala palang kabuluhan sa Diyos ang pagsamba o paglilingkod kung nakasalig sa aral at utos ng mga tao.

TANONG: Kaya ano ang panawagan o ibinibigay na pagkakataon ng Diyos sa mga taong naligaw sa Kaniyang mga tuntunin upang maging matuwid?  Ganito ang sabi sa:

Malakias 3:7
“Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. MANUMBALIK KAYO SA AKIN, AT AKO'Y MANUNUMBALIK SA INYO, SABI NG PANGINOON ng mga hukbo.”

TANONG: Ano ang marapat gawin sa mga sanggol o bata ayon sa pagtuturo ng Bibliya?  Ano ang ginawa ng Panginoong Jesucristo sa maliliit na bata nang dalhin sa Kaniya ang mga ito?  Ganito ang mababasa sa:

Mateo 19:13-15
“Nang magkagayon ay DINALA SA KANIYA ANG MALILIIT NA BATA, UPANG IPATONG NIYA ANG KANIYANG MGA KAMAY SA KANILA, AT IPANALANGIN: at sinaway sila ng mga alagad.  Datapuwa't sinabi ni Jesus, PABAYAAN NINYO ANG MALILIIT NA BATA, AT HUWAG NINYONG PAGBAWALAN SILANG MAGSILAPIT SA AKIN: SAPAGKA'T SA MGA GANITO ANG KAHARIAN NG LANGIT. AT IPINATONG NIYA ANG KANIYANG MGA KAMAY SA KANILA, at umalis doon. ”

Nang dalhin kay Jesus ang maliliit na bata ay ipinatong Niya ang Kaniyang mga kamay sa ulo ng mga bata at saka sila ipinanalangin.  Hindi Niya binautismuhan ang mga ito gaya ng ginagawa sa Iglesia Katolika.  At dahil sa hindi pa maaaring bautismuhan ang mga bata o sanggol, sila ay nararapat IPANALANGIN tulad ng ginawa ni Jesus.


No comments:

Post a Comment