Monday, September 21

ISANG DIYOS NGA LANG BA ANG SINASAMBA NG LAHAT NG RELIHIYON?


Ang Sinasabi Ng Iba: “KAHIT ANO PA ANG RELIHIYON MO, ISA LANG ANG DIYOS NA ATING SINASAMBA.”

SAGOT: Sa REALIDAD at sa BIBLIA ay hindi sinasang-ayunan ang paniniwala na “Kahit ano pa ang relihiyon mo, isa lang ang Diyos na ating sinasamba.”

(1) Sa REALIDAD ay kitang-kita natin na hindi “IISA” ang Diyos na kinikilala ng lahat ng mga relihiyon.

Halimbawa:

  • Ang mga Katoliko at Protestante ang kinikilala ay ang ang tinatawag nilang Trinidad - isang Diyos na may tatlong persona. (Dios Ama, Dios Anak at Dios Espiritu Santo);
  • Sa Islam ay si Allah;
  • Sa mga Budista ay ang mga Buddha;
  • Sa Hinduismo ay si Brahman, Vishnu, Shiva at marami pa.

Sa ibabaw ng lahat ang itinuturo ng BIBLIA na IISANG TUNAY NA DIYOS ay kakaiba sa kinikilala at sinasamba ng mga Katoliko, Protestante, Muslim, Budista at iba pa.

(2) Hindi rin sinasang-ayunan ng BIBLIA na “ISA LANG ANG DIYOS NA SINASAMBA NG LAHAT NG RELIHIYON.” Ganito ang malinaw na sinasabi ng Biblia:

I Corinto 8:6-7
“Nguni't SA GANANG ATIN AY MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya. GAYON MA'Y WALA SA LAHAT NG MGA TAO ANG KAALAMANG IYAN: KUNDI ANG ILAN NA HANGGANG NGAYON AY NANGAMIMIHASA SA DIOSDIOSAN, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diosdiosan; at ang kanilang budhi palibhasa'y mahina ay nangahahawa.”

Sa Biblia ANG IISANG DIYOS NA TUNAY AY ANG AMA LAMANG. Dapat munang makilala ng tao ang tunay na Diyos na dapat kilalanin at sambahin upang tiyak na makarating at tanggapin ang kaniyang ginagawang paglilingkod at pagsamba. Tulad lang iyan halimbawa ng pagpapadala ng isang “PACKAGE” na papaano mo maipadadala kung hindi mo kilala ang iyong padadalhan, at papaano mo maipadadala sa TAMA kung iba naman ang inaakala mo kaya naipadala mo sa iba.?

TANONG: Tatanggapin din ba ng tunay na Diyos na ipinakikilala ng Biblia ang pagsamba na ipinatutungkol naman ng tao sa ibang diyos? Ganito ang pahayag mismo ng tunay na Diyos:

Isaias 42:8
“AKO ANG PANGINOON; na siyang aking pangalan: AT ANG AKING KALUWALHATIAN AY HINDI KO IBIBIGAY SA IBA, O ANG AKIN MANG KAPURIHAN SA MGA LARAWANG INANYUAN.”

Sa saling Magandang Balita Biblia ay ganito ang pagkakasalin sa talatang ito:

Isaias 42:8 Magandang Balita Biblia
“Akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos, WALANG IBANG DIYOS NA MAAARING UMANGKIN SA AKING KANINGNINGAN; NI MAKAAAGAW SA AKING KARANGALAN.”

Samakatuwid, nagsasagawa man ang tao ng pagsamba at paglilingkod subalit hindi sa tunay na Diyos, ang katumbas ay hindi rin kumikilala sa tunay na Diyos. Kaya, hindi lamang ang mga tuwirang ayaw kumilala sa tunay na Diyos o ayaw maniwalang may Diyos ang hindi kumikilala sa Diyos, kundi maging ang mga hindi ang tunay na Diyos ang kinikilala kundi ibang diyos. Tandaan natin ang sinabi ni Apostol Pablo na , “SA GANANG ATIN AY MAY ISANG DIOS LAMANG, ANG AMA…GAYON MA'Y WALA SA LAHAT NG MGA TAO ANG KAALAMANG IYAN: KUNDI ANG ILAN NA HANGGANG NGAYON AY NANGAMIMIHASA SA DIOSDIOSAN…” Kaya kung HINDI ANG AMA ang kinikilala na IISANG DIYOS NA TUNAY o KUMIKILALA SA IBANG DIYOS ay katumbas din ng NAHIHIRATI SA DIOSDIOSAN.

TANONG: Ano ang babala ang Diyos sa hindi kikilala sa Kaniya o ang tuwirang ayaw kumilala sa Diyos at ang kumikilala sa ibang diyos?

Ganito ang pahayag sa atin ng Biblia:

2 Tesalonica 1:8-9
“Na maghihiganti SA HINDI NAGSISIKILALA SA DIOS, at sa kanila ng hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na SIYANG TATANGAP NG KAPARUSAHAN, NA WALANG HANGGANG KAPAHAMAKANG MULA SA HARAPAN NG PANGINOON at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.”

Walang maikakatuwiran ang tao sapagkat ang katotohanan ukol sa tunay na Diyos ay inihayag sa kanila:

TANONG: Ano ang katotohanan ukol sa tunay na Diyos?

Roma 1:19-20
“Sapagka't ANG NAKIKILALA TUNGKOL SA DIOS AY HAYAG sa kanila; SAPAGKA'T ITO'Y IPINAHAYAG NG DIOS sa kanila. Sapagka't ANG MGA BAGAY NIYANG HINDI NAKIKITA buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, MAGING ANG WALANG HANGGAN NIYANG KAPANGYARIHAN AT PAGKA DIOS; upang sila'y walang madahilan:”

TANONG: Sa kabilang dako, ano ang kahalagahan na makilala ang tunay na Diyos at ang kilalanin natin na ang Ama lamang ang iisang Diyos na tunay:

Juan 17:3 at 1
“At ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN, NA IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIOS NA TUNAY, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo…Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:”

Kaya napakahalaga na makilala ng tao ang tunay na Diyos na ito’y walang iba kundi ang AMA LAMANG. Ano ang kahalagahan kung kilalanin natin na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos? Ayon na rin sa talatang ating binasa at pahayag mismo ng ating Panginoong Jesucristo, ITO ANG IKAPAGTATAMO NG TAO NG BUHAY NA WALANG HANGGAN.

No comments:

Post a Comment