PAGSASALIN NG DUGO IPINAGBAWAL BA NG MGA APOSTOL?
Ang
isa sa aral na totoong kakaiba sa lahat ng nagpapakilalang Cristiano sa panahon
natin ngayon ay ang aral ng mga nagpapakilalang mga SAKSI NI JEHOVAH, tungkol sa PAGBABAWAL
NG PAGSASALIN NG DUGO o BLOOD
TRANSFUSION. At natural hindi naman sila makapanghihikayat ng tao tungkol
sa aral nilang ito kung wala silang ipinapakitang talata na bilang batayan. At
ito nga ay ang nakasaulat sa GAWA 15:29
na ganito ang ating mababasang nakasulat:
Gawa 15:29
“Na KAYO'Y MAGSIILAG sa mga bagay na inihain sa
mga diosdiosan, at SA DUGO, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; KUNG KAYO'Y
MANGILAG SA MGA BAGAY NA ITO, AY IKABUBUTI NINYO. Paalam na sa inyo.”
Kung ating itatanong sa kanila na itinuro ba ng
mga Apostol ang pagbabawal ng PAGSASALIN
NG DUGO, ang kanilang isasagot sa ay matunog na “OO”, dahil kung titingnan daw sa pananalita ng mga Apostol sa
talatang iyan na:
“KAYO'Y
MAGSIILAG…SA DUGO”
Maliwanag daw na kasama ang PAGSASALIN NG DUGO sa ipinagbabawal. Papaano ka daw makaka-ilag sa
dugo kung ito ay isasalin sa iyo? Kaya maliwanag ayon sa kanila na ito ay
ipinagbawal ng mga Apostol.
Isa lang ang maliwanag diyan, sila lang ang
nagsasabi niyan. Kasi wala namang mababasa sa talata na bawal magpasalin ng
dugo. Kundi ito ay bunga lamang ng kanilang INTERPRETASYON o PAGPAPAKAHULUGAN
sa sinasabi ng mga Apostol sa nasabing talata.
- Kung ating sasakyan ang ARGUMENTO nila, kung tutuusin paano ka makakailag sa dugo, kung ang loob ng katawan mo mismo ay may dugo?
- Kung talagang nais nating sundin sa paraan ng pag-unawa ng mga SAKSI NI JEHOVA sa talatang iyan, kailangang maging ang dugo natin sa loob ng ating katawan ay ipaalis natin, kasi papaano masasabi na tayo ay tuluyang nakaiwas o nakailag sa dugo kung ang mismong katawan natin ay mayroon nito, hindi ba?
- Pero siyempre ang sasabihin nila diyan ay ang kanilang paborito at palaging sinasabi: “COMMON SENSE LANG IYON”.
TANONG: Bakit ba kailangan nating matiyak kung ang isang aral ay talagang aral
na itinuro ng mga Apostol? Narito ang sagot sa atin ng mga Apostol mismo:
Galacia 1:8-9
“DATAPUWA'T KAHIMA'T KAMI, o ISANG ANGHEL na
mula sa langit, ANG MANGARAL SA INYO NG ANOMANG EVANGELIO NA IBA SA AMING
IPINANGANGARAL SA INYO, AY MATAKUWIL.
Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon,
KUNG ANG SINOMAN AY MANGARAL SA INYO NG ANOMANG EVANGELIO NA IBA KAY SA INYONG
TINANGGAP NA, AY MATAKUWIL.”
Maliwanag na sinabi ng mga Apostol na kung
mayroong magtuturo ng aral o evangelio na iba sa kanilang naipangaral na o
naituro na noon, kahit na sila pa mismo iyon o isang anghel mula sa langit ang
magturo ng ARAL na iba o hindi katulad ng kanilang ARAL noon, ang KATURUAN o ARAL na iyon
ay dapat nating ITAKUWIL.
Kaya ating pag-aralan, batay sa BIBLIA at KASAYSAYAN kung totoo bang IPINAGBAWAL
ng mga Apostol ang PAGSASALIN NG DUGO?
Kung mapatunayan natin na ito ay talagang ipinagbawal nila,
dapat natin itong tanggapin,
sampalatayanan at sundin, subalit kung ang kalalabasan ng ating pag-aaral ay
hindi ito ipinagbawal ng mga Apostol gaya ng utos nila dapat natin itong ITAKUWIL.
Kaya daanin natin ito sa isang matapat na
pagsusuri…
PATOTOO NG BIBLIA
TANONG: Ano ba ang aral ng Diyos na hindi dapat gawin sa Dugo? Sasagutin
tayo ng Diyos:
Levitico 17:10
“At SINOMANG TAO sa sangbahayan ni Israel o sa
mga taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, NA KUMAIN NG ANOMANG DUGO, ay
AKING ITITITIG ANG AKING MUKHA LABAN SA TAONG YAON NA KUMAIN NG DUGO, at IHIHIWALAY
KO SA KANIYANG BAYAN.”
Maliwanag na mayroong ipinagbabawal ang Diyos na
hindi dapat gawin sa dugo. Ipinagbabawal Niya na ito ay KAININ ng tao.
TANONG: Kung ang Diyos ang ating tatanungin, kung hindi tayo dapat kumain ng
dugo. Papaano tayo makaka-iwas o makaka-ilag sa dugo? Sasagutin tayong muli
ng Diyos:
Levitico 17:13
“At SINOMANG TAO sa mga anak ni Israel, o sa mga
taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila NA MANGHULI NG HAYOP O NG IBON NA
MAKAKAIN; AY IBUBUHOS NIYA ANG DUGO NIYAON AT TATABUNAN NG LUPA.”
Malinaw na naibigay ng Diyos ang paraan kung
papaano makakaiwas at makakailag ang tao sa pagkain ng dugo, sinabi Niyang kung manghuhuli ng HAYOP o IBON para ito ay kainin ang
kailangang gawin ay… “IBUBUHOS NIYA ANG
DUGO NIYAON AT TATABUNAN NG LUPA”
Ito ang kaparaanang itinuro ng Diyos para ang tao
ay maiwasang makakain ng DUGO,
kailangan niyang patuluin ang dugo sa lupa at tabunan ng lupa at iyan ang aming
sinusunod na mga IGLESIA NI CRISTO.
Isang nagdudumilat na katotohanan na malaon nang
panahon na nailatag at nailagda ng Diyos ang batas Niya tungkol sa PAGBABAWAL NG PAGKAIN NG DUGO.
Kaya imposible na ibahin o baguhin ng mga Apostol
ang batas na ito ng Diyos na dati nang umiiral, kaya nga may mga nagsipagsalin
ng Biblia na ganito isinalin ang GAWA
15:29 para mabigyan ng linaw ang tunay na kahulugan ng talata:
Gawa 15:29 Magandang
Balita Biblia
“HUWAG KAYONG KAKAIN ng anumang inihandog sa
diyus-diyosan, NG DUGO at hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan
ninyo ang mga iyan at mapapabuti kayo. Paalam”
Ang tinutukoy sa talata ay PAGKAIN. Bawal kanin ang mga pagkaing inihandog sa diyus-diyosan at
maging iyong hayop na binigti (iyong mga
hayop na namatay ng hindi naalisan ng dugo, mga namatay sa lunod, o namatay sa
sakit gaya ng kilala ngayon sa tawag na BOTCHA.), katulad din ng DUGO na BAWAL ding KAININ.
At ganito rin ang nakalagay sa Gawa 15:20 ng Bibliang iyan:
Gawa 15:20 Magandang
Balita Biblia
“Sa halip, SULATAN NATIN SILA AT SABIHANG huwag
kumain ng anomang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, huwag kakain ng
hayop na binigti, at HUWAG KAKAIN NG DUGO.”
Kaya maliwanag batay sa Biblia, na hindi
ipinagbawal ng mga Apostol ang PAGSASALIN
NG DUGO, ang kanila lamang ipinatupad ay ang dati nang utos ng Diyos na HUWAG KAKAIN NG DUGO. Wala silang
binago o idinagdag na utos. Hindi gawain ng mga Apostol kailanman na mag-imbento
ng bagong kautusan o aral pagkatapos ay ipatutupad sa tao. Maliwanag na kung BIBLIA ang pagbabatayan, HINDI IPINAGBAWAL NG MGA APOSTOL ANG PAGSASALIN NG DUGO.
PATOTOO NG KASAYSAYAN
Dumako naman tayo sa PATOTOO ng KASAYSAYAN.
Posible bang ipagbawal ng mga Apostol ang pagsasalin ng dugo kung HISTORY ang ating paguusapan?
TANONG: Kailan lamang ba natuklasan ng tao na posible ang pagsasalin ng Dugo?
Narito ang Link:
1628 – “British physician William Harvey
DISCOVERS THE CIRCULATION OF BLOOD. The FIRST KNOWN BLOOD TRANSFUSION IS
ATTEMPTED SOON AFTERWARD.”
TANONG: Kailan naman unang naging matagumpay ang pagsasalin ng dugo sa tao?
Narito ang Link:
1818 – “British obstetrician James Blundell
performs the FIRST SUCCESSFUL TRANSFUSION OF HUMAN BLOOD TO A PATIENT for the
treatment of POSTPARTUM HEMORRHAGE.”
Noon lamang taong 1628 (17th Century) natuklasan ng tao na posible ang PAGSASALIN NG DUGO at matagumpay itong
naisagawa sa isang tao noong 1818 (19th
Century) bilang lunas sa sakit na POSTPARTUM
HEMORRHAGE.
TANONG: Kailan ba nagpulong sa Jerusalem ang mga Apostol at naganap ang
pangyayari sa Kapitulo 15 ng Aklat ng Mga Gawa?
Narito ang Link:
“The COUNCIL OF JERUSALEM is generally dated to
around the year 50 AD, roughly twenty years after the crucifixion of Jesus,
which is dated between 26 and 36 AD. ACTS 15 and GALATIANS 2 both suggest that THE
MEETING WAS CALLED TO DEBATE whether or not male Gentiles who were converting
to become followers of Jesus were required to become circumcised (presumably in
accord with Genesis 17:14, a law from God which, according to Genesis 17:13-19,
God said would be everlasting). However, circumcision was considered repulsive
during the period of Hellenization of the Eastern Mediterranean.”
Ang pagpupulong na ito sa Jerusalem na tinatawag
sa English na COUNCIL OF JERUSALEM ay
tinatayang naganap noong 50 A.D. Ito
ay isinagawa ng mga Apostol upang lutasin ang bumabangong suliranin sa pagitan ng mga Cristiano na kabilang sa mga
lahing Judio at mga Gentil, mababasa ang buong detalye sa Kapitulo 15 ng aklat ng Mga Gawa.
Kaya kung ating titingnan ang mga petsa batay sa
History:
50 A.D. – Nagpulong sa Jerusalem
ang mga Cristiano at ang naging pasiya ay ang sinabi sa Gawa 15:29.
1628 A.D. – Noon lamang natuklasan
na posible ang Pagsasalin ng Dugo.
1818 A.D. – Noon lamang nasubukan
at naging matagumpay ang Pagsasalin ng Dugo sa tao.
Maliwanag na 1,578
years nang patay ang mga Apostol bago natuklasan ang proseso ng pagsasalin
ng dugo at 1,532 years na ring tapos
ang buong Biblia noong 96 A.D.
- Kaya papaano nasasabi ng mga SAKSI NI JEHOVA sa tao kapag sila’y nangangaral na aral ng mga Apostol ang pagbabawal ng pagsasalin ng dugo?
- Sa BIBLIA wala silang mapagbabatayan.
- Sa HISTORY ay ganun din.
Kaya nga ang mabibiktima ng ganitong klaseng
pandaraya ay ang mga taong walang malay at mga kulang sa pagsusuri.
PERO
MAGPAPALUSOT SILA AT SASABIHIN NILA:
“KUNG UUNAWAIN ANG SINABI NG MGA APOSTOL NA
““KAYO'Y MAGSIILAG SA DUGO”, paano ka nga makakailag
sa dugo kung MAGPAPASALIN KA NG DUGO?
Gamitan ninyo ng isip…”
Iyan ang kanilang ipagpipilitan...GAMITAN NATIN NG SARILI NATING ISIP AT
UNAWA…
Pagbigyan natin ang mga SAKSI NI JEHOVA kung makakapasa ba ang kanilang pangangatuwiran na KUNG UUNAWAIN ang TALATA sa Gawa 15:29 ay
maaari nating matanggap na tumutukoy din ito sa PAGBABAWAL NG PAGSASALIN NG DUGO.
TANONG: Una nating tanong ay ito: Ano
bang klaseng utos ang sinabi ng mga Apostol sa Gawa 15:29? Ito ba’y MAGAAN o MABIGAT na utos?
Ating basahin ang VERSE 28 pagkatapos ay ituloy natin
sa VERSE 29, ito ang madalas nilang nilalaktawan at
hindi binabasa kapag ginagamit ang talatang ito:
Gawa 15:28
“SAPAGKA'T MINAGALING NG ESPIRITU SANTO, AT
NAMIN, NA HUWAG KAYONG ATANGAN NG LALONG MABIGAT NA PASANIN maliban sa mga
bagay na ito na kinakailangan:”
Gawa 15:29
“Na KAYO'Y MAGSIILAG sa mga bagay na inihain sa
mga diosdiosan, at SA DUGO, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; KUNG KAYO'Y
MANGILAG SA MGA BAGAY NA ITO, AY IKABUBUTI NINYO. Paalam na sa inyo.”
Maliwanag ang banggit ni APOSTOL SANTIAGO na nagsasalita rito: “SAPAGKA'T MINAGALING NG ESPIRITU SANTO, AT NAMIN, NA HUWAG KAYONG
ATANGAN NG LALONG MABIGAT NA PASANIN”
Samakatuwid HINDI
MABIGAT NA PASANIN ang ibinigay na ito ng mga Apostol na kautusan sa mga GENTIL na nagnanais maging mga CRISTIANO
– ISA ITONG MAGAANG PASANIN isang TUNTUNIN na hindi NAPAKABIGAT kundi MAGAAN.
TANONG: At dahil sa MAGAAN ito. Ano
ang naging damdamin ng mga Gentil nang maipaabot na sa kanila ang SULAT na naglalaman ng naging pasiya ng
mga Apostol sa Gawa 15:29? Ibababa lang natin ang basa sa VERSE 30 hanggang 31:
Gawa 15:30-31
“Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay
nagsilusong sa Antioquia; at NANG MATIPON NA NILA ANG KARAMIHAN, AY KANILANG
IBINIGAY ANG SULAT. AT NANG ITO'Y KANILANG MABASA NA, AY NANGAGALAK DAHIL SA
PAGKAALIW.
Napakaliwanag na NANGAGALAK sila dahil sa PAGKAALIW.
Ang kautusang ito na napagkaisahang ipatupad ng mga Apostol sa mga Gentil ang
idinulot sa kanila ay KAGALAKAN at KAALIWAN…Bakit? Sapagkat HINDI ITO MAHIRAP NA UTOS kaya ganun
ang kanilang naging damdamin.
Kaya kung babalikan natin ang MGA SAKSI NI JEHOVA at tatanungin natin sila:
1. ANG
PAGBABAWAL BA NG PAGSASALIN NG DUGO AY MABIGAT O MAGAANG UTOS?
2. MAKAKADAMA
KAYA NG KAGALAKAN AT KAALIWAN ANG MIYEMBRO NILA NA BINABAWALANG MAGPASALIN NG
DUGO?
LALO NA SA
PAGKAKATAONG ITO? BASAHIN ANG HALIMBAWANG ITO:
May mag-asawa
na mayroong kaisa-isang anak na may 10 taong gulang, dahil hindi na magkakanak
iyong babae dahil na-operahan na sa matres. Ang bata ay nagkasakit ng DENGUE, at nang dalhin sa PAGAMUTAN ay sinabi ng Doktor na ang
tangi lang makapagliligtas sa buhay ng bata ay ang MASALINAN siya ng DUGO.
Subalit nang
dumalaw ang mga kapatid niya na SAKSI NI
JEHOVA sa Ospital at sinabi ng mga magulang ng bata ang problema niya ay
sinabihan siya na kahit na ano mangyari huwag siyang papayag na MASALINAN ng DUGO ang BATA kundi
matitiwalag sila.
- Sa palagay ninyo sa tagpong iyan, ano ang magiging damdamin ng isang MAGULANG na MAWAWALAN ng KAISA-ISANG ANAK dahil sa pagsunod sa utos ng kaniyang relihiyon?
- Masasabi ba niya sa atin na MAGAAN lang ang UTOS na ito?
- Magagalak ba siya at maaaliw sa sitwasyong iyan gaya ng mga Gentil noon? Magulang na nasa bingit ng kamatayan ang kaisa-isang anak, na kahit ang kaniyang sariling buhay ay handang ibigay para lang madugtungan ng buhay ng kaniyang anak ay binabawalan ng kaniyang relihiyon na masalinan ng dugo ang kaniyang anak para mabuhay.
- Isang taong nasisiraan na lamang ng bait siguro marahil ang magsasabi na MAGAAN ang UTOS na iyan at siya ay MAGAGALAK at MAAALIW pa sa kabila ng situwasyon na iyan na kahapis-hapis.
Maliwanag nating napatunayan, na ang PAGBABAWAL NG PAGSASALIN ng DUGO ay hindi suportado ng BIBLIA maging ng KASAYSAYAN. Ang ginawa ng mga SAKSI
NI JEHOVA ay PINABIGAT ang MAGAAN NA UTOS na ito ng mga APOSTOL. INATANGAN NILA NG LALONG MABIGAT NA PASANIN ANG KANILANG MGA KAANIB.
Kaya maliwanag na ang kanilang ginamit sa
pagbibigay kahulugan sa GAWA 15:29
ay ang BALUKTOT NILANG UNAWA AT PAGIISIP.
At hindi kailan man matatawag na TUNAY
NA RELIHIYON ang isang samahan na may aral na NAKAPAPATAY sa kaniyang mga KAANIB.
Hindi sa Diyos ang ganyan.
Juan 10:11
“Ako ang mabuting pastor: IBINIBIGAY NG MABUTING
PASTOR ANG KANIYANG BUHAY DAHIL SA MGA TUPA.”
Ang tunay na mangangaral o relihiyong sa Diyos ay
handang magbuwis ng kaniyang buhay para sa mga TUPA o MGA KAANIB. Hindi
gagawa ng isang batas na hindi naman utos ng Diyos na ang ibubunga ay MAMATAY ang mga TUPA o ang mga KAANIB. Maliwanag
na hindi iyan aral ng mga APOSTOL.
No comments:
Post a Comment